“Bubuka ang
bulaklak, papasok ang reyna. Sasayaw ng cha-cha, ang saya saya.”
“Tagutaguan,
maliwanag ang buwan. Tayo’y maglaro sa dilim diliman.”
“Maibaaaaa.
. . .Taya! Di magbagooo. . . . .Taya!”
“Walang
ayawan ha. Aayaw konyat!”
Ang mga katagang ito ay kabilang lamang sa
mga naririnig natin tuwing nakikipaglaro tayo sa mga kaibigan natin sa ating
mga pang-araw-araw na buhay. Mga panahon na ang paglalaro sa labas ang isa sa
mga pinaka-aabangang gawain sa isang araw. Sa mga nakakapasong init ng sinag ng
araw hangang sa pagbuhos ng ulan, nariyan tayo at nakikipaglaro.
Asintado ka ba bumato? Malamang magagamit mo
yan sa pakikipaglaro ng tumbang preso.
Bago magsimula ang laro ay kailangan ng mga manlalaro na bumilog at ihagis ang isang
latang walang laman na tinatawag na preso
na kailangang manatiling nakatayo sa pagbagsak (ninuno ito ng Water Bottle Flip
Challenge). Kung di ka swerte at ikaw ay naging taya, kailangang bantayan mo
ang lata na nakalagay sa isang bilog na ginuhit sa semento o lupa na tinatawag
na kulungan o selda. Ang ibang mga manlalaro ay tatangkaing batuhin at patumbahin
ang lata gamit ang kanilang mga pamatong tsinelas. Kapag may nagtangkang
kuhanin pabalik ang kanilang tsinelas ay maari mo silang habulin at tayain
hanggang nakatayo pa ang lata si kulungan at di pa sila nakakarating sa linya
ng batuhan o ang base. Sa oras na
mapatumba ang lata, lahat ng mga manlalaro na di pa nakakabalik sa base ay
maaring tumakbo pabalik rito at kailangan itayo ng taya ang lata sa gitna ng selda.
Maraming pang mga kondisyon ang nagagawa kapag nalalaro ito na nakakadagdag ng
saya. Sa tumbang preso malalaman ang pagiging asintado at maliksi ng isang
bata. Alam mo kung anong masakit? Kapag nataya mo ang iyong kalaro ngunit
nakatumba o wala ang lata sa selda. Alam mo ang mas masakit? Sa iyong pag-uwi
ay tatanungin ka ng nanay mo anong nangyari sa mukha mo at ang isasagot mo ay
“Ma, tinamaan ako ng tsinelas.”
“Langit, lupa, impyerno
Im-im-impyerno
Saksak puso tulo ang dugo
Patay, buhay, umalis ka na diyan sa pwesto
mong mabaho!”
Ang awiting ito ay kinakanta
upang malaman ang magiging taya sa larong langit-lupa.
Ang mga manlalaro ay bibilog, at may isang kakanta at ituturo ang bawat isa
kasabay sa himno ng kanta. Sa bawat dulo ng kanta ay titigil ang daliri sa
isang manlalaro at kung sino man ang maituro ay ligtas na sa posibilidad na
maging taya. Uulitin ang proseso hangang sa isa na lang ang matira na siyang
taya sa laro. Kung ikaw na naman ang naging taya, kailangan mo matapik ang mga
kalaro mo upang mataya sila at pansamantalang labas muna sila sa laro, pero di
ganun kadali ang mga bagay, kapag nakatapak sa baba o tinatawag na lupa, maari mo silang tayain ngunit
kung sila’y nakatapak sa ibabaw ng isang bagay o mas mataas na tungtungan, di
mo sila matataya dahil sila’y nasa langit.
Kapag nataya mo ang lahat ng manlalaro, magsisimula na ulit ng panibagong round. Ayun sa sabi sabi, may mga di pa
rin bumababa hangang ngayon dahil ayaw nilang mataya.
Naranasan mo na bang luksuhan
ang isang baka? Sa mga tinik? Wag kang mag-alala dahil ang baka at ang tinik na
tinutukoy ay mismong mga kalaro mo rin. Ang magiging taya (na sana hindi na
ikaw) sa larong luksong baka ay nangangailangan
na yumuko at gumawa ng arko na siyang tatalunan o luluksuhan ng mga manlalaro
(na hihigit sa tatlo kasama ang taya). Sa simula ay mababa pa lang ang taas ng
arko at sa pagtagal o pagtaas ng level ay pataas rin ito ng pataas. Ganito rin
ang ginagawa sa luksong tinik ngunit
ang luluksuhan naman dito ay pinagpatong-patong na mga daliri ng mga taya.
Kapag dumaplis ang tatalon sa baka o tinik ay sila ang papalit dito.
Marami ka bang goma? Maliban sa
pamitik sa mga kalaro mo, magandang gamitin ang mga yan sa paglalaro ng
luksong-lubid. Ang larong ito na binubuo ng tatlo o higit pang manlalaro ay
simple lamang na kahit pinagdugtong dugtong na goma ay maaari nang gamitin. Sa
larong ito lumulukso ang bawat manlalaro habang pabilis nang pabilis ang ikot
ng tali o ng pinagdugtong na mga goma. Kapag tumama ang tali sa paa ng
lumulukso, dahilan upang matigil ang pagikot nito ay siyang papalit naman ang
ibang manlalaro. Isa pang uri ng luksong lubid ay tinatawag na Chinese Garter.
Sa larong ito, tatlo o higit pang manlalaro ang maaaring sumali. Gamit ang
garter, lulukso lamang ang bawat manlalaro ngunit hindi tulad ng sa naunang
uri, ang garter ay pataas ng pataas: mula sa bukong bukong hanggang sa itaas ng
ulo. Kapag matatangkad naman ang iyong mga kalaban at may mahaba kang binti ay
malaki ang tsansa ng pagkapanalo. Meron ding tinatawag na "ten
twenty" kung saan bawat pag lukso mo ay binibilangan mo gaya ng "ten, twenty, thirty hanggang
seventy". Sa larong ito, apat o higit pang manlalaro ang maaaring
sumali. Paano nga ba ito laruin? Una ay may dalawang tao ang magsusuot ng lubid
magkaharapan na may distansiyang 2 metro. Ito ay magsisimula sa bukung-bukong o
ankle pataas hanggang sa may
kili-kili. Makikitang 2 linya itong pahaba. Kinakailangan mo munang lumukso sa
unang linya habang sinasabi ang salitang "ten" sa kabila naman ay
"twenty" hanggang sa "forty" pag "fifty" naman
kailangan ay ilalabas mo na ang dalawa mong paa. Sa "sixty" naman ay
nararapat mo nang ipasok ang iyong dalawang paa at ang panghuli ay
"seventy" kung saan nararapat mo nang tapakan ang dalawang lubid.
Madalas itong makitang nilalaro ng mga bata sa makikipot na kalye. Yung moment na di kayo natatalo sa chinese
garter. #SquadGoals.
Ang sepak ay isang punong kahoy na binilog na hugis bola para itoy
pag-libangan ng mga bata. Ito ay kailangan mong sipain at mailaglag sa base ng
inyong kalaban para kayo ay makapuntos ng Isa o higit pa. May apat Na manlalaro
ang kailangan sa larong ito.May paunang magbibigay ng bola sa kalaban na
tinatawag na serve at kabilang
kupunan naman ay magdedepensa. Kailangan maibalik ang bola sa kabilang kupunan
gamit lamang ang mga paa, ulo, dibdib, at tuhod. Sa larong ito kailangan mo
munang disiplinahin ang sarili mo bago umpisahan ang laro. Ang sepak larong
pinoy na sadyang ipagmamalaki natin sa lahat.
Meron ding laro na sipa kung tawagin. Ang sipa ay gawa sa bearing at na may plastik na buntot. Gamit ang paa, ito’y sinisipa
at pinapanatili sa ere at padamihan kung ilang beses itong masisipa. Isa ito sa
mga paboritong laro na mga binata at ang titigil lamang kung padilim na o
nasampid na sa bubong lahat ng sipa. Alam mo yung pinahiram mo sa kaibigan mong
sipa? Nasa bubong na.
Kailangan mapalaki ang mata mo
kung nais mong mahuli ang iyong mga kalaro. Sa larong tagu-taguan (hindi ng feelings),
ang taya ay nangangailangang kantahin ang:
“Tagu-taguan
maliwanag ang buwan,
Tayo’y
maglaro sa dilim-diliman.
Pagkabilang
ko ng sampu na katago na kayo”
At sisimulan
na ang pagbibilang sa sampu habang nakatakip ang braso sa mata at nakasandal
ang ulo sa pader o poste. Kapag may nahuli sisigaw ang taya ng Boom! Kasunod ng
pangalan ng nahuli. Ang mga nahuhuli ay maaaring unahan ang taya na tapikin ang
lugar na pinagbilangan ng nito upang hindi maging taya, ito’y tinatawag na save. Ganun din ang mga hindi pa nahuhuli.
Masayang laruin ang tagu-taguan kapag madami kayo at gabi na dahil mas mahirap
magkahulian.
Ang mga larong ito’y halimbawa
lamang ng mga larong kinalakihan natin bilang mga Pinoy. Sa panahon ng
modernisasyon, maraming bata ang nahihilig sa pag-gamit ng gadgets, nalilinang ang kanilang kaisipan sa mga teknolihiya ngunit
kapalit nito ay ang hindi nila pagdanas sa masasayang pagkakataon na
makapaglaro sa labas. Kahit na pawis na pawis na at ang dudungis na itsura,
kaakibat naman nito ang mga ngiting nasa mukha na mga batang naglalaro. Hindi
masama ang pagbabago, ngunit wag sanang kalimutan ang mga simpleng bagay
katulad ng mga larong ito, dahil para sa aming mga hindi na bata, ang mga
larong ito ang bumuo ng pagkabata namin at isang pribelehiyo ang maranasan ulit
ang ganitong klase ng saya.